Matirik na ang liwanag ng araw na sumisiwang sa bintana ng
aking kwarto ng umagang iyon. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata na
animo’y hihugot pang pumikit muli upang ipagpatuloy ang pagtulog. Inilibot ko
ang aking paningin sa aking silid at gumawi ang titig nito sa litratong nasa
ibabaw ng tokador. Unti- unting nawala ngiting nakaguhit sa aking labi at
muli’t muling nanariwa sa aking diwa ang nakaraan. Mahigit isang buwan na ang
nakalilipas. Sa larawang iyon masisilayan ang tawang namutawi sa aking labi
matapos akong umakyat sa entablado upang kunin ang diploma ng pagtatapos. Isang
magandang tanawin na bunga ng pagsasakripisyo at pagpupunyagi ng taong bumuo ng
aking pagkatao. Sa alaalang iyon nangibabaw ang kasiyahan at galak ng aking
puso. Bumalik ang aking diwa ng marinig ko ang ingay mula sa kusina, mariin
akong tumayo at tinungo ang pinto palabas ng silid. Bumungad sa aking ulirat
ang pigura ng aking ina na abala sa paghahanda ng almusal. Napahinto siyang
parang tuod sa pagkakatayo nang makita ako. Unti-unting namuo ang ngiti sa
kanyang labi at pagdaka’y mariing tinungo ang kinatatayuan ko. Nadama ko ang
init ng yapos ng aking ina at kasabay niyon ang pag agos ng luha mula sa
kanyang malamlam na mga mata. Dahan dahan niyang binigkas ang mga katagang,
“Anak, patawarin mo ako”. Gumagaralgal ang kanyang tinig habang sinasambit ang
mga salitang matagal kong ininda. Muli’t
muling dinala ako ng mga salitang
iyon sa mapait na kahapon. Ang masaklap
na katotohanang iniwan nya kami ng aking mahal na ama noong ako’y limang taon
pa lamang at sa musmos na kaisipan , di ko naunawaan ang dahilan ng pag alis
nya. Namuhay akong may pagkukulang, ngunit sa kabila noon, nariyan ang aking
ama upang punan ang pagkukulang at
matugunan ang aking pangangailangan. Hanggang sa sumapit ang pagsibol ng aking
kamalayan at tuluyang nagging isang dilag na may lakas uapng suungin ang buhay.
Namuhay akong walang kapiling na ina hanggang sa nakasanayan ko na iyon. Ngunit
ang buhay ay may hangganan. Lahat ng bagay ay may wakas. Ang pait ng pagkawala
ng aking ama ay di ko lubusang natanggap. Sa pagkawala nya, bumalik ang aking
ina. Di mawari ng aking diwa kung kong
magiging masaya ako sa pababalik nya
sapagkat kasabay niyon ang pagkawala ng taong bumuo ng aking pagkatao. Sa halip
na matuwa’t maibsan ang sakit , galit ang nangibabaw. Isang buwan ang lumipas
at pinilit na humilom ang aking puso.
Ngayon ako’y yapos yapos ng aking ina, di ko alam kong
humilom na ang sugat o kinain na ng galit at pighat ang aking diwa. Nanatili
akong walang imik sa kinatatayuan ko. Di ko namalayang unti unti nang binitawan
ng aking mga mata ang luha at pumatak sa
balikat ng aking ina. Sa huli’y natagpuan ko ang aking sariling sinusuklian ang
yakap ng taong kaharap ko ngayon. Ang taong matagal hinanap ng aking diwa’t
buong pagkatao. Pagpapatawad ang nagging susi upang sumimlay muli ang galak sa
aking buhay sa kabila ng kakulangan sa ibang aspeto ng buhay.
Ang litratong iyon ang nagbukas ng aking isip at puso para
makamit ang kapayapaan at kasiyahan. Pag may nawala, may darating. Ganoon din
ang buhay, walang permanente, lagi lan
nating tatandaan na walang binibigay ang Diyos na sa huli ay di tayo magiging
masaya. Kailangan lang nating maghintay sa tamang panahon at magtiwala.