Monday, March 9, 2015

Alaala

Litrato

Matirik na ang liwanag ng araw na sumisiwang sa bintana ng aking kwarto ng umagang iyon. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata na animo’y hihugot pang pumikit muli upang ipagpatuloy ang pagtulog. Inilibot ko ang aking paningin sa aking silid at gumawi ang titig nito sa litratong nasa ibabaw ng tokador. Unti- unting nawala ngiting nakaguhit sa aking labi at muli’t muling nanariwa sa aking diwa ang nakaraan. Mahigit isang buwan na ang nakalilipas. Sa larawang iyon masisilayan ang tawang namutawi sa aking labi matapos akong umakyat sa entablado upang kunin ang diploma ng pagtatapos. Isang magandang tanawin na bunga ng pagsasakripisyo at pagpupunyagi ng taong bumuo ng aking pagkatao. Sa alaalang iyon nangibabaw ang kasiyahan at galak ng aking puso. Bumalik ang aking diwa ng marinig ko ang ingay mula sa kusina, mariin akong tumayo at tinungo ang pinto palabas ng silid. Bumungad sa aking ulirat ang pigura ng aking ina na abala sa paghahanda ng almusal. Napahinto siyang parang tuod sa pagkakatayo nang makita ako. Unti-unting namuo ang ngiti sa kanyang labi at pagdaka’y mariing tinungo ang kinatatayuan ko. Nadama ko ang init ng yapos ng aking ina at kasabay niyon ang pag agos ng luha mula sa kanyang malamlam na mga mata. Dahan dahan niyang binigkas ang mga katagang, “Anak, patawarin mo ako”. Gumagaralgal ang kanyang tinig habang sinasambit ang mga salitang matagal kong ininda. Muli’t  muling dinala ako ng  mga salitang iyon sa mapait na kahapon.  Ang masaklap na katotohanang iniwan nya kami ng aking mahal na ama noong ako’y limang taon pa lamang at sa musmos na kaisipan , di ko naunawaan ang dahilan ng pag alis nya. Namuhay akong may pagkukulang, ngunit sa kabila noon, nariyan ang aking ama  upang punan ang pagkukulang at matugunan ang aking pangangailangan. Hanggang sa sumapit ang pagsibol ng aking kamalayan at tuluyang nagging isang dilag na may lakas uapng suungin ang buhay. Namuhay akong walang kapiling na ina hanggang sa nakasanayan ko na iyon. Ngunit ang buhay ay may hangganan. Lahat ng bagay ay may wakas. Ang pait ng pagkawala ng aking ama ay di ko lubusang natanggap. Sa pagkawala nya, bumalik ang aking ina. Di mawari ng aking diwa kung  kong magiging masaya ako  sa pababalik nya sapagkat kasabay niyon ang pagkawala ng taong bumuo ng aking pagkatao. Sa halip na matuwa’t maibsan ang sakit , galit ang nangibabaw. Isang buwan ang lumipas at pinilit na humilom ang aking puso.
Ngayon ako’y yapos yapos ng aking ina, di ko alam kong humilom na ang sugat o kinain na ng galit at pighat ang aking diwa. Nanatili akong walang imik sa kinatatayuan ko. Di ko namalayang unti unti nang binitawan ng  aking mga mata ang luha at pumatak sa balikat ng aking ina. Sa huli’y natagpuan ko ang aking sariling sinusuklian ang yakap ng taong kaharap ko ngayon. Ang taong matagal hinanap ng aking diwa’t buong pagkatao. Pagpapatawad ang nagging susi upang sumimlay muli ang galak sa aking buhay sa kabila ng kakulangan sa ibang aspeto ng buhay.
Ang litratong iyon ang nagbukas ng aking isip at puso para makamit ang kapayapaan at kasiyahan. Pag may nawala, may darating. Ganoon din ang buhay, walang  permanente, lagi lan nating tatandaan na walang binibigay ang Diyos na sa huli ay di tayo magiging masaya. Kailangan lang nating maghintay sa tamang panahon at magtiwala.


No comments:

Post a Comment